Saturday, June 15, 2013

Fili101 Homework.

Ano nga ba ang Kasaysayan ng Wikang Filipino? Ano ang nilikha ng Pambansang Asamblea? Sino ang Ama ng Wikang Pambansa? Malalaman natin ang mga kasagutan sa mga nasabing mga tanong na iyan sa aking post na ito. Pero bago ko sagutin ang mga tanong na iyan, bigyan muna natin ng kahulugan ang Wikang Filipino. Ayon sa tl.wikipedia.org, ang ibig sabihin daw ng Wikang Filipino ay ito ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas—ang Ingles ang isa pa—ayon sa Saligang Batas ng 1987. Isa itong wikang Awstronesyo at ang de facto ("sa katotohanan") na pamantayang bersyon ng wikang Tagalog, bagaman de jure ("sa prinsipyo") itong iba rito.

Sagutin naman natin ang mga tanong na nabanggit sa itaas. Ayon ulit sa tl.wikipedia.org, nilikha daw ng Pambansang Asamblea ang 'Surian ng Wikang Pambansa', ito ay naglalaman na pinili nito ang Tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika. Ayon naman sa gmanetwork.com, noong 1937 daw ay ipinalabas ni Pangulong Manuel L. Quezon ang Kautusan Blg. 134 na nagaatas na Tagalog ang batayan ng wikang gagamitin sa pagbubuo ng wikang pambansa. Dahil sa pagsusumikap ni Pangulong Quezon na magkaroon tayo ng wikang pagkakalilanlan, hinirang siyang “Ama ng Wikang Pambansa."

Noong 1940, ipinalabas naman ni Pangulong Quezon ang Kautusang Tagapaganap Blg. 203 na nagbigay daan sa pagpapalimbag ng Talatinigang Tagalog-Ingles at Balarila sa Wikang Pambansa. Pinasimulan din nito ang pagtuturo ng Wikang Pambansa sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa. Tapos, noong 1959 naman nagpalabas si Kagawaran ng Edukasyon Kalihim Jose Romero ng Kautusang Blg. 7 na nagsasaad na Pilipino ang opisyal na tawag sa wikang pambansa. Sa 1973 Konstitusyon noong kapanahunan ni Pangulong Ferdinand Marcos, nakasaad sa Artikulo 15 Seksiyon 2 at 3 na “ang Batasang Pambansa ay magsasagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pormal na paggamit ng pambansang wikang Pilipino. Hangga’t hindi binabago ang batas, ang Ingles at Pilipino ang mananatiling mga wikang opisyal ng Pilipinas." Noong panahon naman ng Rebolusyonaryong Gobyerno sa ilalim ni Pangulong Corazon C. Aquino muling binago ang Konstitusyon noong 1987 kung saan nakasaad sa Artikulo 14 Seksiyon 6 na: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika."

Masasabi kong mahalaga rin ang naging papel ng mga katutubo sa pagpapayaman ng ating pambansang wika, na hanggang sa ngayon ay nagbabago parin ng anyo. Masasabi ko pating madaming napagdaanan ang Wikang Filipino, bago pa ito mahalal bilang Pambansang Wika, dahil ang mga Bisaya, Cebuano at mga Waray ay nagsitutol na hindi dapat ginawang Pambansang Wika ang wikang Tagalog. Dito na nagtatapos ang aking post. Sana ay nagustuhan at naintindihan ninyo ng lubos ang nilalaman ng post na ito.



Marielle V. Ilagan
BCS12
De la Salle University - Dasmariñas
Fili101 - Akademikong Filipino at Panlipunang Pagkatao

No comments:

Post a Comment